Mga Kababayan:
Isang mapagpalayang pagbati sa inyong lahat!
Batid natin ang kahirapan sa ating bansa kasama pa dito ang mapaniil at bulok na sistema ng gobyerno. Marami ng bayani ang nagbuwis ng kanilang buhay upang mabigyan tayo ng anyo bilang mga Pilipino ngunit masakit isipin na tayo ay watak-watak at walang pagkakaisa. Tayo’y nakabigkis sa isang tanikala na animoy sinusunggaban ang ating paghinga at mamamatay ng walang pakinabang.
Ang masang Pilipino ay patuloy na naghihirap dahil sa kakulangan ng kaalaman sa makabagong teknolohiya na patuloy na umuusbong sa dakong Silangan. Matatalino ang ating lahi ngunit sino ang nakikinabang? Ang isang enhinyero na kulang sa sahod ay mapipilitang iwanan ang lupang tinubuan upang kumita ng salapi sa ibang bansa. Kasama sa pag-angat ng piso kontra dolyar ang pagkawala ng mga matitinong propesyonal. Dapat nga sanang pakinabangan ng masa ang pang-angat ng piso ngunit nakakalumong isipin na ito’y napupunta sa bulsa ng mga buwaya sa gobyerno. Tumataas daw ang antas ng ekonomiya ngunit kabaliktaran ang nangyayari sa lipunan. Pasakit sa mga mamayanan lalo na sa mga ordinaryong manggagawa. Karamihan sa mga propesyonal ay lilisanin ang Pilipinas upang mabuhay na may karangyaan sa ibang bansa. Saan ka ba naman nakakita ng bansa na ang doktor ay nag-aaral ng Nursing upang mangibang bansa? Ang isang abogado ay nagagamit upang ipagtanggol ang kabuktutan.
Ilang dekada pa ba ang matitira upang ang lugmok na bayang Pilipinas ay tuluyan ng mabura sa mapa o tuluyang mawala sa katinuan? Patuloy ang away-pulitika. Maraming naghahangad na mapunta sa kongreso o sa senado na wala namang kaalaman. Ano ang gagawin sa kongreso o sa senado? Hindi nga alam gumawa ng batas pero matapang ang loob upang magsilbi daw sa bayan. Tama nga si Dr. Jose Rizal na hindi sapat ang edukasyon upang magtagumpay, bagkus ay kung paano gamitin ang edukasyon upang magtagumpay. Ilang bayani pa ba sa atin ang magsasabi na tayo ay kailangan magkaisa at turuan ang ating lahi sa pagiging tunay na Pilipino?
Simulan natin ang pagbabago mula sa ating sarili at sa ating pamilya. Ituro natin ang tamang pamamaraan ng paggalang, ang pagpapahalaga sa edukasyon at pagmamahal sa Inang bayan. Kasama dito ang disiplina bilang isang mamamayan. Maraming mahihirap na kung kumalam ang sikmura ay nagnanakaw at sisihin ang gobyerno sa kanilang kahirapan. Ang mga ganid na mayayaman ay dapat makonsensya at magbago na. Mas makatwiran ang magpakain ng tao kaysa sa alagang hayop. Ipairal ang pagmamahal sa kapwa. Ang mga kapilatista na patuloy na namamayagpag sa pagyaman ay supilin na. Hindi pantay-pantay na pamumuhay ang kailangan para sa ating bansa na katulad ng isinisigaw ng mga kumyunista. Kailangan ang pagkakaisa, disiplina at pagmamahalan. Ang mga pulubi na hawak ng sindikato ay karapat-dapat na matigil. Kung ikaw ay isang pulis o militar, ipairal ang batas upang ang bulok na sistema ng bayan ay tumino at magbago na. Ang mga kurakot at mga buwaya sa gobyerno ay bigyan ng matinding parusa na kung kinakailangan ay kitlin ang buhay. Kung ang mismong namumuno ang syang dahilan ng pagkalugmok ng bayan, tayo’y magkaisa upang pangunahan ang tunay na pagbabago.
Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa. Ang pagpatay ay mahigpit na ipagbabawal sa kautusan ng Diyos. Ngunit sa kasaysayan, ang digmaan ng kabutihan laban sa kasamahan ay nagbuwis ng buhay. Kung ikaw ay isang Kristiyano, mahalin mo ang iyong kapwa at iyong kaaway ayun sa turo ni Jesus. Kung ikaw ay isang Muslim, ang pagpapahalaga sa turo ng Q’uran at aral ni Propeta Muhammad ay iyong sundin. Gaya ng pagpapahalaga sa kapwa at pagmamahal sa kabutihan ang magdudulot ng kapayapaan. Ang Islam ay nagtuturo ng kapayapaan at hindi kaguluhan. Tayo’y magkaisa para sa isang tunay na pagbabago. Simulan natin sa ating sarili at sa ating pamilya. Maging edukado na may dangal, negosyo at kabutihan sa kapwa.
Gumising tayo kabayan para sa makabuluhang pagbabago ng Pilipinas. Iangat natin ang ating lahi bilang magigiting at matatalinong mga Pilipino. Mula sa ating sarili ay bigyan nating ang pagpapahala ang Inang Bayan. Ang ating gobyerno na puno ng kabuktuan ay dapat magkaroon ng sistema. Maglaan ng salapi at makapagpatayo ng negosyo na magbibigay ng marangal na hanapbuhay sa bawat mamayang Pilipino. Kung ang bawat mamamayan ay may hanapbuhay, sariling tirahan at hindi kapos sa pagkain, bababa ang krimen at mga suliranin ng bansa. Kaming mga OFW ay babalik sa ating bansa upang maglaan ng salapi para sa pag-angat ng bansang Pilipinas. Magtulong-tulong tayo na mabigyan ng sapat na edukasyon ang ating mga anak, kapatid o kababayan. Pagmamahal sa bansa, sa sarili at sa kapwa ang ating pairalin at hindi inggit o pagkamuhi.
Simulan natin ang pagbabago sa ating sarili dahil mula sa ating sarili magmumula ang pagbabago ng ating bansang Pilipinas.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment